*It took a lot of effort just to post this entry. I've been psychoanalyzing myself for months. It's high time I get a second opinion. This was written on my way home, slightly edited, and I want to get it out of my system before I start functioning again tonight.
Hindi ko akalaing aabot ako sa puntong ito.
Oo, aaminin kong depressed na naman ata ako. Baka bukas, wala na naman ang pakiramdam na ito. Pero iyon nga ang problema. Pabugso-bugso siya — panandaliang maiibsan pero dagli ring magbabalik makalipas ang ilang araw o linggo.
Pero ngayon, parang umabot sa puntong pagod na akong bumangon. Umabot na sa puntong tila masarap na lang bumitaw, sumuko, magpatalo sa depression, bumigay sa stress. Kanina, habang isinusulat ko ito, tila ayaw nang gumana ng utak ko para maghanap ng solusyon sa sunud-sunod na nagsidatingang mga problemang kailangang ayusin. Masakit sa ulo, medyo nakakabigat din sa loob dahil nandoon na ang expectation ko na papalpak ako at sa huli, sama lang ng loob ang dadalhin sa akin ng mga problemang ito.
"I've been brought down one time too many," 'ika nga nila. Baka ganoon ang kaso ko. Umabot na sa puntong gusto nang magwala ng sistema ko. Overfunctioning, overwork.
Hindi ko alam na may tendency akong maging whiner. Ako kasi yung tipong ayaw ibahagi ang problema sa iba. Ako ang shock absorber, at tila tinanggalan ko na ang sarili ko ng karapatan na maglabas ng sama ng loob, na maglabas ng saloobin. Mas inuuna kong pakinggan, solusyunan ang problema ng iba bago ako. Handang makinig, pero bihirang magkwento. Sa bahay, computer lang ang kadalasang kausap ko. Ang ate ko kasing dati kong hingahan ng sama ng loob, may asawa na ngayon, at nakakahiya namang dumagdag pa ako sa problema niya ngayong may anak na siya. (Shet. Tumutulo na naman ang luha ko. Siguro nga oversensitive ako minsan, overdepressed, over sa lahat, kaya nagma-malfunction na)
Proven ko na ang pet therapy noon, pero namatay nga ang dalmatian namin months ago at napuna kong lumala ang mga instances na nagda-drama ako. After niyang mamatay, nauwi na lang sa pagsusulat ang therapy ko — fanfic, essay, ranting na never kong pinublish o pinabasa kahit kanino — lahat iyan pinatulan ko. Mabuti nga may aso na ulit kami. At least ngayon, may makakausap na ulit ako at mag-work na ulit ang pet therapy bilang pang-alis ng stress at maiwasan ko ang depression. Mukha kasing di na uubra ang self-therapy.
Hangga't maaari, ayokong mang-burden ng iba. Hangga't kaya kong sarilinin, solusyunang mag-isa, ginagawa ko. Feeling ko kasi ang petty lang at ang insensitive ng paghihinga ng sama ng loob mo habang ang mga tao sa paligid mo, may mas malaking problema kaysa sa pagiging perpetually depressed.
Nakalimutan ko nga ba ang sarili ko? Marahil. At alam kong hindi magfa-function ng maayos ang tao kung marami siyang issues, kaya heto ako, nagsusulat ng isang sobrang habang blog entry na malamang, wala rin namang babasa o kung meron man, hindi ko alam ang magiging reaksyon. Basta, ginagawa ko ito para sa sarili ko.
Siguro nga kailangan ko na ng kausap. May mas dadrama pa ba sa akin? Ewan ko lang. Months ago pa ako unang nakaramdam ng ganito. Lagi ko lang sinasarili.
Bakit ako nagkaganito? Maraming dahilan. Halu-halo na silang lahat. Minsan, tulad kanina sa bus, naiisip kong wala akong kwentang tao. Tipong pagse-self-pity. Pathetic, pero totoo. Kaya nga ayokong nagmamaldita, kadalasan kasi, feeling ko, ako ang guilty party. Ako ang may problema. Lagi kong inaako ang problema. Nagsawa na rin kasi akong mag-defend ng sarili, so, tinatanggap ko na lang lahat, no questions asked, no contentions. Pilit bumabawi, pero minsan, wala nang babawiin.
Baka kasi tama sila. Hindi ako akma rito. Kaya nga kadalasan sukung-suko na ako. Sa puntong ito, hindi na mahalaga kung ginusto kong mapunta rito o hindi. Ang isyu, nandito na ako, marami akong hindi nagawa ng maayos, kasalanan ko. Kaya alam kong wala akong karapatang magmaganda o magmaldita. Hindi lang naman ako ang overworked na tao sa mundo. Ewan kung nagkataon lang, pero napatunayan ko, hindi lang iilang ulit, na "when it rains, it pours." Pwede rin siguro ang "bad luck comes in threes." Ewan, ayoko nang isipin.
Minsan tuloy, naiisip kong mag-iba ng linya. Parang ayoko na kasi kung minsan. At iyon ang hindi ko mapaniwalaan: na umabot na ako sa puntong handa akong iwan at talikdan ang isang bagay na ipinaglaban ko maging sa mga magulang ko noon. Ang bagay na minahal ko, sinusukuan ko na.
Ewan. Sabi ko naman, depressed lang ako. Baka bukas, iba na ulit ang pakiramdam ko.
Pero sa ngayon, pagod na talaga ako. Burnt out, K.O. Kaya heto, pagbigyan ninyo na ang post na ito. Matagal na siguro akong umabot sa sukdulan, pilit ko lang inaalpasan at iniaangat ang sukdulang iyon. Hindi ko alam kung maiaangat ko pa siya pagkatapos nito.
Siguro sa huli, humihingi lang ako ng pang-unawa. Tao lang din naman ako. Nitong huling mga araw, sobrang cranky ko lang. Baka ito na ang resulta ng matagalang pagkababad ko sa stress na nagdulot na nga ng chronic depression sa akin. Sa mga nasinghalan ko, nasigawan, naaway, lahat na, siguro paraan ito ng pagpapaliwanag kung bakit ako nagkakaganito.
Kung maibabalik ko lang ang mga bagay, baka hindi ako depressed ngayon. Subalit may mga bagay na hindi na maibabalik, naisin ko man. Nangyari na ang nangyari, at sa mga pagkukulang na di napunan, wala na akong masasabi kundi paumanhin. Sa sarili ko at sa lahat ng taong naapektuhan ng pagkawalang-kwenta ko.#
Tuesday, February 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment
Got something to say? Say it. Now.